Jose Rizal: kanyang pananaw

Boses Natin ‘to

Naniniwala ang aming grupo na nag-uugat ang kapangayarihang bayan sa pagmamahal ng bawat isa sa kanyang bayan, kaya naman aming napagkasunduan na magtanong, pakinggan ang boses ng sambayanan, at hayaang mag-iwan ng palaisipan sa mga mamayan sa kung ano nga ba ang mga bagay bagay na gagawin nila para sa ating bayan.

Mula rito, kami’y nakakakalap ng  iba’t ibang kasagutan mula sa iba’t ibang uri ng tao;sana’y inyong saksihan at mapagtantuhan kung sa huli kaya’y nagbunga nga ng isang matatag at malinaw na pagpapatunay na ang maigting na pagmamahal  sa bayan ay magsisilbing ugat ng sinasabing kapangyarihang bayan.

———–

Nagsalita na sila — isang paunang hakbang sa pagpapakita ng malasakit sa bayan nang mabigyang daan ang kapangyarihang bayan; makisali ka na rin.

ANO BA ANG GAGAWIN MO PARA SA BAYAN?

2 responses

  1. Naglibot, nagtanong, at nagsimulang mag-agam-agam.

    Aaminin naming sa umpisa’y buong-buo pa ang aming loob na walang kahirap hirap ang gawaing ito, ngunit sa aming aktwal na pag-lilibot, aming napagtantong hindi pala petiks ang magsagawa nito. Naging tunay ngang napakahirap makakuha ng sagot sa isang napakaikli at simpleng tanong lamang.

    Teka saglit lang, simpleng tanong nga kung titingnan, pero para sa mga taong nakaranas ng hirap, kabiguan, at pagkadismaya sa nangyayari sa buhay nila, simple pa rin kaya kung maituturing ang katanungang yaon? Tingin namin, at nakita namin na HINDI PALA.

    Halo halong reaksyon na ata ang aming nakita, ngunit para sa amin, may mga pinaka naging tampok, o kapansin pansin ngang pagkakapareho sa mga sagot ng mga taong ito.

    (1) Madalas na nakukuha namin ang mga reaksiyong ito sa mga higit na nakatatanda, mga reaksiyong tulad ng “Marami akong pwedeng gawin eh. Kasu ano nga ba?” Teka kung titingnang muli ang kasagutan nila, kung marami silang magagawa bakit tila ata hindi nila alam kung saan nga ba talaga magsisimula. Marahil dahil alam na ng karamihan ang problema ng Pilipinas ngunit sinimulan na nilang paniwalaang buhol buhol na ang problemang ito at halos hindi na nila matukoy pa ang mga pinagmulan, kung kaya’t hindi na rin nila mawari kung ano pa nga ba ang maaring ibigay na gamot na lulunas sa masidhing karamdaman nito.

    “So on all sides there are groans, gnawing of lips, clenching of fists, many hallow words,great ignorance, a deal of talk,
    a lot of fear. The patient is near his finish”
    –Jose Rizal, La Solidaridad

    (2) Ngunit hindi naman pangkalahatan ang una naming nasambit; may iilan ding nakatatanda ang mayroon pa ring pananaw na mayroon at mayroon silang magagawa para sa bayan. Subalit tila ba paulit ulit silang binabatak paibaba ng mababa nilang pagtingin sa kanilang sarili. Bago pa man sagutin ang tanong, madalas naming naririnig mula sa kanila ang “Wala naman akong magagawa, pwede bang kapag mayaman ako iyong isasagot ko” o hindi kaya “Wala akong magagawa, mahirap ako eh, gobyerno dapat ang may ginagawa”, sa aming personal na opinion medyo baluktot na pag-iisip, pero tila ba nagiging tuwid pa rin kung pakikinggang nga ang kanilang mga pampersonal na saloobin. Subalit sa kabilang dako , ay kung paulit-ulit nga naming pakikinggan ang mga pampersonal at hindi panlipunang pananaw, diyan naman ata magiging baluktot ang paniniwala ng aming grupo. Hangga’t hindi natin natututunan ang ipagmalaki ang sarili at gawing hindi hadlang ang estado sa buhay, at isipin lamang ang pagkakapantay-pantay hindi sa materyal kundi sa karapatang pantao, hindi malulunasan ang mga ganitong karamdaman ng kaluluwa.

    (3) Nag-iisip ng malalim, sumasambit ng “Teka lang, isip muna ako.”, kasabay ng paulit-ulit na pagbura at pagsulat ng iba’t ibang kasagutan sa kung ano nga ba ang gagawin nila para sa bayan: Iyan pa rin ang mga kabataan sa kasalukuyan. Marahil sa pananaw ng nakatatanda ay mababaw ang mga kasagutang “Magiging maganda akong ihemplo—walang bisyo” o hindi kaya “Mag-aaral akong mabuti”, kung ang pinag-uusapan dito ay ang gagawin nila para sa bayan sa kasalukuyan nitong estado. Ngunit kilatising mabuti, at sana’y mapasang-ayon rin kayo sa sa pananaw naming at ni Jose Rizal: para sa amin ay isang napakagandang halimbawa ito na ang kabataan nga ay pag-asa ng bayan. Malimit naming nadinig na wala na silang maisip pang gagawin para sa bayan, mapakomplikado man ito o sa simpleng paraan, hindi naming nakakitaang tuluyan na nilang pinagsarahang pinto ang salitang pag-asa.

    “Itaas ang iyong
    Malinis na noo
    Sa araw na ito,
    Kabataang Pilipino!
    Igilas mo na rin ang kumikinang mong
    Mayamang sanghaya
    Magandang pag-asa ng Bayan kong Mutya!”

    — Liham ni Jose Rizal(Londres, Disyembre 31, 1888)

    Marapat na opinion lamang namin ito, munting tinig na nag-agam-agam sa pananaw ng ating mga kababayan. Ika nga: Kwentong barbero.Pero kong gusto mo ring makihalubilo o makialam—-kasama mo kami. Kapangyarihang bayan – hindi nga ba ito tumutukoy sa pagkakaisa sa pamamagitan ng pakikialam sa isyu ng ating bayan. Patuloy pa rin ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino, patuloy pa rin ang pagkawalang tiwala sa sarili, patuloy pa rin ang pagkakaiba-iba ng mga mithiin, patuloy pa rin ang pagbuntong ng kamalian sa iba, patuloy pa rin ang tila ba mahina at unti-unting humihinang pintig ng puso para sa bayan. Patuloy pa rin ang pagbulong at pag-angkas sa mga sangang magbibigay ng pansadaliang bunga sa kapangyarihang bayan, bakit hindi kaya natin ngayon simulan ang bumulong naman at mahigpit na kumapit sa ugat ng kapangyarihang bayan: ang PINAG-ISA AT MAIGTING NA PAGMAMAHAL SA BAYAN.

    September 14, 2010 at 03:15

  2. Title:
    ‘Teyktu’
    By Conrado de Quiros
    Philippine Daily Inquirer
    First Posted 01:05:00 08/20/2009

    Maraming nag-text sa akin matapos mabasa ’yung kolum ko noong Lunes, “Ser, isa pa nga.”

    Bakit nga hindi? Bitin nga ang isa, parang beer. Agosto pa rin naman, at buwan pa rin ng Wika. At bukas ay Agosto 21, isang makasaysayang araw na humihiling—hindi, nag-uutos—na gunitain sa paraang malapit sa kamalayang Pilipino. Ano pa ang mas malapit sa kamalayang Pilipino kundi wikang Pilipino? Kahit na pang-text lang ang alam kong Pilipino.

    Hindi mahirap hanapin ang paksa para dyan. Iisa ang tampok na elemento sa Agosto 21, isang elemento na tampok din ngayon sa pagkawala. Yan ang katapangan.

    Matapang tayo noon, duwag tayo ngayon.

    Katapangan ang buod ng mga katagang, “Hindi ka nag-iisa.” Yan ang mga katagang umalingawngaw sa buong bayan matapos pagbabarilin si Ninoy Aquino sa airport noong Agosto 21, 1983. Sa buong panahon ng pagkaburol n’ya, at lalong-lalo na sa pagdala sa kanya sa huling hantungan, yan ang madasaling binubulong, o galit na sinisigaw, ng taongbayan: “Hindi ka nag-iisa.”

    Ano nga ba ang ibig sabihin ng “Hindi ka nag-iisa?”

    Simple lang. Hindi ka nag-iisa dahil, kagaya mo, handa rin kaming magsakripisyo para sa bayan. Kagaya mo, handa rin kaming kumilos para sa bayan. Kagaya mo, handa rin kaming mamatay para sa bayan.

    Mga katagang sinabi, o pinahiwatig, natin noon hindi lang kay Ninoy kundi sa lahat ng nagbuwis ng buhay sa panahon ng kadiliman—marami sa kanila ay nasa Wall of Remembrance ng Bantayog ng mga Bayani ngayon. ’Yan din ang isa pang kahulugan ng “Hindi ka nag-iisa.” Hindi lang si Ninoy ang nagbuwis ng buhay para sa bayan noong panahong ’yon, marami pa.

    Sino na lang ang nagsasabi ng “Hindi ka nag-iisa” ngayon? O sino na lang ang nagsasabi n’yan ngayon na me gano’ng kahulugan? Dahil pag naririnig ko ang “Hindi ka nag-iisa” ngayon, ang dating sa ’kin ay parang death wish na lang ng Pinoy. Tipong: “O, sige, isali n’yo na rin ako sa kabaong. Tama na, sobra na, ayoko na. Suko na ini. ”

    Paano tayo umabot sa gano’n? Paano tayo nawalan ng katapangan? O diretsuhin na natin, paano tayo naduwag?

    Gusto ko sanang sabihing nabakla na siguro tayo, pero di lang sa magagalit sa akin ang mga kaibigan kong bakla kundi marami akong kilalang bakla na matapang. Nangunguna na d’yan si Lino Brocka na sa tindi ng galit sa mga kahibangan noon ni Manoling Morato ay sinigawan ng “Bakla!” Iilan lang ang kakilala kong makakatapat kay Brocka sa katapangan.

    Ang nakikita na lang nating katapangan ngayon, at talaga namang laganap na, ay katapangan ng apog. Ang katapangang yon ay wala ring pinipiling kampon, babae, lalaki o bakla. Equal opportunity, ika nga. Tapang ng apog ang kumikitil sa bayan, tapang ng apog ang pumapatay sa bayan. Tingnan mo ang mga nasa poder ngayon at tanong mo sa sarili kung may makikita ka ring katapat nila sa ganyang katapangan.

    Pero yo’ng totoong katapangan, nasaan na?

    Angal tayo ng angal, wala naman tayong ginagawa para tigilan ang kawalanghiyaan. Angal tayo ng angal, hindi naman tayo kumikilos para paayusin ang buhay.

    Sino’ng inaasahan nating gagawa niyan? Ang Diyos, sa pamagitan ng pagbigay ng lupus o sakit ng tiyan sa pagkabondat sa mga taong bwisit sa buhay natin? Ang Amerika, na nagpapanggap na tagapagtanggol ng demokrasya sa buong mundo pero ayos lang na masikil ang kalayaan sa bansa ni Una? O “sila na lang,” ang ating mga kapitbahay na lang, ang ating mga tagapagtanggol na lang, dahil tayo ay me pamilya, dahil tayo ay kailangang maghanap-buhay, dahil tayo ay sobrang busy.

    Sino ba ang walang pamilya? Kaya ka nga kumikilos ay para masilayan ng mga anak mo ang isang lipunang may liwanag at katarungan. Sino ba ang di kailangang maghanap-buhay? Kaya ka nga naghahanap ng buhay para di mo matagpuan ang patay—na pwedeng maging literal balang araw sa bangkay ng anak mo na lulutang-lutang sa ilog dahil ginawa n’ya ang di mo ginawa, ang di mo nagawa, ang di mo magawa. Dahil takot ka. Dahil busy ka.

    Nakanino ba ang kapangyarihang hintuin ang katiwalian? Nakanino ba ang kapangyarihang hintuin ang pagbansot sa bayan? Di ba nasa atin? Di ba pag nagagalit tayo ay napipigilan nating bumili ng mamahaling jet ang mumurahing tao? Di pa kumikilos tayo ay napipigilan natin isulong ang Cha-cha ng mga taong di naman marunong sumayaw? Di ba pag pinapakita natin ang ating kapangyarihan ay napapatalsik natin ang mga taong kapit-tuko sa kapangyarihan?

    Me mga nagsasabi na hindi naman tayo nawalan ng tapang, nawalan lang tayo ng paki. Gano’n din ’yon. Kaduwagan din yon. O higit pa ro’n. Dahil ngayon hindi ka lang takot mamatay, takot ka pang mabuhay.

    Bukas, maraming mga pagtitipon-tipon sa paggunita ng makasaysayang Agosto 21. Isa na dyan ay ang prayer
    rally sa Ninoy statue sa Ayala na gaganapin sa ika-3:00 ng hapon hanggang gabi. Na ang hiling ng mga organizers ay kung maaari ay magsuot ng dilaw ang mga tao para ipakita ang pakikiramay, pagpupugay, at pakikiisa kay Cory. Hanep din tayong Pinoy ano: Dilaw ang kulay ng kaduwagan sa ibang bansa, dilaw ang kulay ng katapangan sa ating bansa.

    Pwede kang sumama rito at sumigaw ng “Tama na, sobra na, palitan na” para sa kinabukasan ng mga anak mo. Pwede kang sumama rito para magsabi kay Inang Bayan, “Hindi ka nag-iisa,” handa rin kaming mamatay nang dahil sa ’yo, at higit na handang mabuhay nang para sa yo. Pwede kang sumama rito para ipakita na hindi pa nawawala ang katapangan sa bayan ko, binihag ka, ang dugo ng mga bayani ay nananalaytay sa mga ugat mo.

    O pwede kang huwag sumama rito dahil ang bukang-bibig mo ngayon ay hindi na “Hindi ka nag-iisa” kundi “Bahala ka sa buhay mo.” Pwede kang huwag sumama rito dahil marami ka pang mahalagang gagawin, kagaya nang manuod ng “G.I Joe.” Pwede kang huwag sumama rito dahil mas okay sa yo ang maging patay kahit buhay pa kesa maging buhay kahit patay na. Pero kung gano’n:

    Mag-isa ka.

    Title:
    ‘Teyktu’
    By Conrado de Quiros

    September 14, 2010 at 03:15

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s