Jose Rizal: kanyang pananaw

Panahon Noon

Kabilang sa mga librong naglalaman ng mga sulatin ni Rizal ay ang “Mga Piling Akda ni Jose Rizal” (1989) na pinamatnugutan nina Jesus Fer Ramos, Ligaya Tiamson Rubin, at Patricia del Rosario. Naglalaman ito ng mga sulat, tula pati na mga talumpati ni Rizal. Ang isang akda na pinamagatang “Pamamahayag sa ilang Pilipino” na isinulat noong 1896 ay nagpapahayag ng kaisipan ni Rizal sa napipintong pagputok ng rebolusyon samakatuwid pagpapamalas ng lakas ng bayan upang pabagsakin ang gobyernong Espanyol. Isinulat ito para sa “Mga Kababayan” kung saan mahihinuhang mariing tinututulan ni Rizal ang himagsikang para sa kanya ay “walang katuturang kapahamakan” dahil naniniwala syang hindi pa hinog para sa himagsikan ang bayan at maaari itong mauwi sa pagkatalo. Sa halip ipinayo nya na upang makamit ang inaasam na kalayaan ay (Ramos, Tiamson-Rubin, at del Rosario 1989, 236-237):

Inilalagay kong batayan ang pagkatuto ng bayan, upang sa pamamagitan ng pag-aaral at paggawa ay magkaroon siya ng sariling katauhan at maging dapat siya sa mga iyon. Ipinayo ko sa aking mga sinulat ang pag-aaral, ang mga katangiang pambayan sapagka’t kung wala ng mga ito ay wala namang katubusan. (Pamamahayag sa Ilang Pilipino, Rizal 1896)

 Samantala ang artikulong “Si Rizal at ang Himagsikan” ni Teodoro Agoncillo mula sa librong “Bahaghari’t Bulalakaw” (1998) ay tumatalakay sa paksang tutol ba o pabor si Rizal sa himagsikan na pinaplano ng Katipunan laban sa Gobyernong Espanyol upang makamit ang kalayaan, isang isyung matagal nang sentro ng debate ng mga dalubhasa tungkol kay Rizal. Para kay Agoncillo (Agoncillo 1998, 228):

Hindi tutol si Rizal sa himagsikan, ayon na rin ay Dr. Valenzuela kung wala na nga bang landas na maaaring tahakin tungo sa ikatutuklas ng minimithing kalayaan, nguni’t hindi pa panahon, sa palagay ni Rizal, na mapasubo ang bayan sa isang mahigpit na kalagayang mahirap labasan.

 Ang palagay ni Agoncillo sa kaisipan ni Rizal ukol sa himagsikan ay sya ring palagay ng may akdang si John Schumacher sa kanyang artikulong “The Noli Me Tangere as Catalyst of Revolution” (1987). Ayon kay Schumacher si Rizal ay may minimithing proseso sa pagkamit ng kalayaan. Kabilang dito ang pagrereporma sa sarili, in his Noli he does seek reforms, demand them even, but from Filipinos rather than from Spaniards … the Filipinos must bring about reforms themselves” (Schumacher 1987, 99). Sa interpretasyon ni Schumacher, kagustuhan ni Rizal na magsimula ang pagbabago sa mga Filipino mismo gayong nilisan nya na ang pag-asa na bubuti pa lipunan sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol. Kinakailangang magkakaroon ng nasyonalistikong damdamin, nararapat lamang na mag-ugat ang lakas ng loob ng mga Pilipino mula sa kanyang sariling lahi, upang mapagtanto nila ang kanilang kalakasan bilang Pilipino, at maisaisip na hindi nakabababa ang lahing Pilipino kaysa sa mga Espanyol.

 Kaakibat nito, ginamit ni Rizal ang kanyang mga sulatin upang mabigyang daan ang pagbabago sa sarili at magsilbing gabay sa mga Pilipino (Schumacher 1987, 101):

as the Noli had shown the Filipinos their present condition under Spain, the book based on Morga would show them their roots as a nation… The foundation having thus been laid in these two books, Rizal would chart the Filipino course for the future in El Filibusterismo.

Mistulang nakikipag-usap siya sa mga Filipino gamit ang kanyang mga akda. Ang Noli ay nagpakita sa kanila kung ano ang nangyayari sa kasalukuyan, habang ang libro na mula kay Morga ay muling ipapakita sa kanila ang “liwanag” ng nakaraan. Samantala, sa El Fili naman ay gagabayan nya ang bayan kung ano ang dapat gawin sa kasalukuyan gamit ang isang bisyon para sa hinaharap. Upang isagawa ito inilahad nya ang dalawang paraan ng paglaban sa pamahalaang Espanyol gamit ang tauhang sina Simoun at Padre Florentino. Ang paraan ng marahas na himagsikan o ng mapayapang paglaban. Sa dalawang ito, sa paraan ni Padre Florentino o sa paraan ng mapayapang paglaban sumang-ayon si Rizal. Hindi siya pabor sa marahas na paraan dahil batay sa El Fili ay inilahad ni Rizal na hindi pa handa ang Pilipinas para sa armadong himagsikan. Kinakailangang ihanda muna ng mga Pilipino ang sarili para sa minimithing kalayaan.

Samantala, upang maging handa sa kalayaan ay isinama ni Rizal sa proseso ng mapayapang rebolusyon ang pagiging karapat-dapat sa kalayaan ng mga Pilipino, “but it is true that we must win it by deserving it… Our misfortunes are our own fault, let us blame nobody else for them” (Schumacher 1987, 103). Sinasabi niya na dapat maging karapat-dapat ang Filipino para sa kalayaan sa pamamagitan ng “sufrir y trabajar” o pagpapakasakit at pagtatrabaho. Nararapat lamang na magkaroon ng pagnanais para sa mabuti at tama sa punto na handang mamatay sa proseso ng pakikipagbuno para sa mga ito. Kinakailangan din na matutuhan ng mga Pilipino na pahalagahan ang sarili at huwag hayaang maliitin ng sinuman, dayuhan man o kapwa kababayan, ang kanilang mga karapatan bilang tao lalo na ang karapatan sa kalayaan. Kapag nagawa na ng mga Pilipino ang sariling pagbabagong nabanggit at may ganap nang pagmamahal sa bayan ay hindi mapipigilan ang pagdaing ng mga Pilipino bilang nagkakaisang bayan at kapag nangyari ito ay mismong Espanya na ang magbibigay ng kalayaan dahil hindi nya maaaring igiit ang kalayaan sa bansang karapat-dapat para dito.

Ang mga nabanggit nang akda ukol sa mga kaisipan ni Rizal sa pagpapamalas ng kapangyarihang bayan ay limitado dahil marami pang mga pag-aaral na naisagawa na tungkol dito. Gayunpaman sapat na ang mga ito upang mahinuha ang tunay na kaisipan ni Rizal tungkol sa kapangyarihang bayan. Sa puntong ito mahalagang mabigyang halaga ang mga kaisipang ito upang maipakita ang papel at lugar nito sa agos ng panahon.

 Ang pananakop ng mga Espanyol ay naging isang masalimuot na yugto ng kasaysayan at karanasan para sa mga Pilipino dahil kaakibat nito ang pagkawala ng kalayaan na tinatamasa ng mga sinaunang katutubo. Bukod sa kawalan ng kalayaan naging masaklap din ang mga naranasang pang-aabuso sa kapangyarihan mula sa mga nasa awtoridad partikular na ng mga prayle na naging pangunahing kasangkapan upang maganap ang kolonisasyon. Sa kadahilanang ito nagkaroon ng mga serye ng pagkilos ang bayan sa buong panahon ng pananatili ng mga Espanyol. Nagkaroon ng iba’t ibang mukha ang mga pagkilos na ito, kalat sa buong bansa at mula sa iba’t ibang grupo ng tao na apektado ng pananakop ng mga dayuhan. Nagpakita ng pagtutol ang mga babaylan, sinaunang manggagamot-pari, gaya nina Tamblot at Bankaw. Gayundin ang mga datu gaya ni Lakan Dula. Samantala, sa ilalim ng estadong kolonyal ay maraming pag-aalsang naganap. Sila ang mga napasailalim sa pamumuno ng mga Espanyol at naging Kristiyano. Kabilang dito ang pag-aalsa sa pamumuno ni Diego Silang, ang kilusang agraryo ng 1745 na binubuo ng pag-aalsa mula sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan at Rizal mga lugar sa paligid ng Maynila at ang pag-aalsang pinamunuan ni Apolinario de la Cruz o Hermano Puli (Abrera et al. 2001, 131-154).