Jose Rizal: kanyang pananaw

Ang tunay na kapangyarihan ng bayan

Sa kung ano talaga ang pananaw ng ating bayani tungkol sa kapangyarihang bayan, walang makapagsasabi ng tiyak. Kaya lamang nating pag-aralan ang kanyang mga sinulat at sinabi upang gumawa ng isang konklusyong nakaayon sa kanyang mga pinaglalaban. Marami na ngang manunulat ang gumawa nito. Ngunit sa lahat ng kanyang mga sinulat at mga katagang nabitawan, ang amin lamang makukuhang isang tema mula rito ay ang pagtitiwala ni Rizal  sa mga Pilipino. Ang pagtitiwalang ito ang hindi naging dahilan ni Rizal upang pigilan ang rebolusyon na binabalak nila Bonifacio, dahil una sa lahat ay malinaw rin kay Rizal na hindi magkatumbas ang rebolusyon at kapangyarihan ng bayan.

Kung gayon, ano nga ba kay Rizal ang kapangyarihan ng bayan? Mula sa aklat na “Mga Kaisipan ni Dr. Jose Rizal” ay makikita ang isang maiikling pahayag at deretsahang pagsasabi ni Rizal ng sa kung ano ang nakikita nyang magiging sandata natin bilang mamamayan? At ito ang edukasyon.

“Nakapagbigay ako ng patotoo gaya ng nakapagbigay ng lalong marami, na ninanais ko ang mga kalayaan ng ating bayan at patuloy ang pagnanasa ko ng mga ito. Datapwa’t inilagay kong batayan ang pagkakatuto ng bayan upang sa pamamagitan ng pag-aaral at ng paggawa ay magkakaroon siya ng sarilingkatauhan at maging dapat siya sa mga iyon.”


Si Rizal ay naniniwala sa kapangyarihan ng bayan bilang mga taong kayang mag-isip para sa kanilang sarili sa pamamagitan ng edukasyon. Ngunit ang kapangyarihang ito ay hindi maaaring mapunta sa karahasan. Hindi ito upang sabihing takot si Rizal sa himagsikan; hindi ngunit:

“Tinitiyak ko sa inyong wala akong kanais-nais na makilahok sa mga paghihimagsik, na inaakala kong napakaaga sa panahon at napakamapangahas. Datapwa’t kung kami’y pipilitin ng pamahalaan na gawin ang gayon, alalaon baga’y kung wala ng nalalabi sa aming iba pang pag-asa kundi hanapin ang aming pagkapariwara sa pakikidigma, kapag lalo’y minamarapat ng mga Pilipino ang mamatay kaysa magpatuloy sa lalong pagtitiis, sa gayo’y makikisama na rin ako sa mga marahas na kaparaanan.”


Makikita sa mga pahayag na ito na bukas ang isip ni Rizal sa ideya ng rebolusyon; ngunit sa mga oras na niyaya siya upang makisangkot dito ay tumanggi siya dahil sila ay hindi pa handa para sa mga malaking laban.

Isa pang nakikita namin ay ang paniniwala ni Rizal sa kabutihan ng puso at pagmamahal sa bayan. Ayon kay Schumacher, isinulat ni Rizal ang Noli hindi lamang upang ipakita ang kalupitan ng Espanya kundi naging kasulatan ito ng nasyonalismo ng mga Pilipino. Gusto niyang ipakita na may mali sa ating bansa noong kanyang panahon hindi lamang sa mga pang-aabuso ng mga Espanyol kundi pati na rin sa mga pagkukulang ng kapwa nyang Pilipino. Maganda ang mga salita ni Schumacher na magtitibay sa puntong ito: “A sound nationalism had to be based on accurate and unsparing analysis and understanding of the contemporary situation, not on a self-congratulatory, but by the same token, self-deceptive adulation of all things Filipino. Before beginning the struggle, the foundation must be well and surely laid.”

Kahit pa nga naniniwala si Rizal na kailangan at sa katunayan, ay hindi maiiwasan ang rebolusyon, naniniwala naman siya na hindi dapat magkaroon ng pagdanak ng dugo ng ibang tao kundi ang kagustuhang magdanak ng sariling dugo para sa bayan–ito ang tunay na kapangyarihan ng bayan.

Comments are closed.