Jose Rizal: kanyang pananaw

Panahon Ngayon

Kabilang sa pinakapaboritong paksa ng pagpapakita ng kapangyarihang bayan ang Rebolusyon ng 1896 at bukod dito kung tutungo tayo sa kontemporaryong panahon ay marami nang naisagawang pag-aaral sa EDSA 1 at 2. Naging sentro din ng pag-aaral ng grupo ang dalawang pangyayaring ito sapagkat marami nang naisagawang interpretasyon ng dalawang EDSA kabilang na ang papel ng bayan upang magtagumpay ang dalawang ito. Masasabing ang dalawang pangyayaring ito ay pagpapamalas ng “kapangyarihan” ng bayan sapagkat kumilos ang bayan upang ibagsak ang mga pinunong pinagmumulan ng paghihirap ng bayan. Gayundin ay itinuturing pang “rebolusyon” ang dalawang EDSA sapagkat tahasang iginiit ng bayan ang pagpapatalsik sa pamunuan partikular na sa ehekutibo. Sa EDSA 1 ay napatalsik ang diktaturya ni Pangulong Ferdinand Marcos habang sa EDSA 2 ay tinapos ang administrasyong Joseph Estrada na napatunayang tigib ng korupsyon. Kakaibang rebolusyon kung ituring dahil walang armas na ginamit ang mga nagprotesta gayunpaman ay nagawa pa ring magtagumpay ang bayan.

 Matapos ang EDSA 1 naging tampulan ng kritisismo sa nasabing pagkilos ang pagbabalik ng elit sa hanay ng mga opisyales sa gobyerno at bilang makapangyarihan sa lipunan na tinatawag ding elite democracy. Upang tugunan ang kritisismong ito ay kinakailangang maihiwalay ang pagkilos sa kinalabasan ng pagkilos. Gaya ng nabanggit na, buong bayan ang kumilos sa EDSA 1 sapagkat nagkaisa ang lahat ng sektor ng lipunan kaya rin ito tinaguriang people power at hindi pagkilos lamang ng mga elit na apektado ng rehimeng Marcos. Bagaman naibalik sa kapangyarihan ang mga elit sa pagpapalit ng gobyerno ang pangyayaring ito ay hiwalay sa naisagawang pagkilos na kinakitaan ng pagbubuklod ng lahat ng sektor samakatuwid ng buong sambayanan.

Kabilang sa mga ginamit na batis ng grupo ang librong inilimbag ng Philippine Center for Investigative Journalism noong 2001 na may titulong A Scrapbook about EDSA 2: People Power uli! With jokes, text messages, photos, digital images and more. Ito ay kompilasyon ng tanyag na mga mensahe at larawan na nagkalat sa kasagsagan ng EDSA 2. Bakas mula sa mga pahina ng libro ang pagkakaisa ng mga mamamayan upang patalsikin ang Pangulong Estrada. Isa sa pinakatanyag na paraan ng pagpapakalat ng mensahe para sa mas epektibong komunikasyon sa pagitan ng mga nagpoprotesta ang text messaging kung saan kabilang sa mga kumalat na mensahe ang (A Scrapbook about EDSA 2, Phil. Center for Investigative Journalism 2001):

Let’s wear black tom. 2 mourn the death of truth n justice in r country. Pls. Pass dis 2 10 others 4 d love of ur country.

 “We will not forget, and the new government should take heed, that EDSA 1 and 2 were the peole’s victory. Healing starts with real reforms. No quarters given.”

Ang naisagawang edsa 1 at 2, ay hindi lamang monopolyo ng civil society sapagkat ipinapakita ng dalawang edsa ang sentimiyento ng buong sambayanan na apektado ng pang-aabuso ng pamahalaan. bagaman nanguna ang nasa gitna at mataas na antas, ang mga nasa mababang antas ay sangkot din sa dalawang edsa sapagkat kabilang sila sa apektado ng pang-aabuso ng pamahalaan. Ang civil society ay naging representante ng lahat ng sektor ng lipunan ano mang antas sa buhay, relihiyon at edad. Dinala nila sa kalsada ang kalooban at karanasan ng buong bayan.

Karagdagan pa, matapos ang EDSA 2 ay naganap ang tinaguriang EDSA 3 na tinatawag ding “poor peoples power” sapagkat hindi tulad ng edsa 1 at 2, ang edsa 3 ay nilahukan ng mga tagasunod ni Pangulong Estrada na pawang mula sa mga mahihirap. Hindi tulad ng EDSA 1 at 2, naging marahas ang EDSA 3 nang lusubin ng mga nagpoprotesta ang Palasyo ng Malacañang at kalabanin ang mga sundalo at kapulisan, kaya naman hindi ito maituturing na kahanay ng naunang dalawang EDSA (Abinales 2005, 277-278).

Ang EDSA 1 at 2 ay nagpakita ng kapangyarihang bayan na gaya ng nasa kaisipan ni Rizal isang siglo bago ang EDSA 1 at mahigit pa bago ang EDSA 2 ay kinakailangan ng pagkakaisa upang magtagumpay. Maliban sa pagkakaisa ay kailangan din na batid ng bawat Pilipino ang kanyang ipinaglalaban at hindi armas ang pinakamabisang sandata upang magtagumpay sa labang ito kundi ang kaalamang nagmumula sa pakikipaglaban para sa karapatan partikular na sa kalayaan. Ito ang ipinakita ng dalawang EDSA kung saan ang bayan ay pinagbuklod ng pagnanais na wakasan ang sanhi ng paghihirap alang-alang sa bayan. Sa diwang ito ay mahalaga pa rin ang papel ng mga kaisipan ni Rizal sa pagkamit ng kalayaan kung saan nasabi nya na sa pamamagitan ng karakter na si Padre Florentino (Agoncillo 1998, 230):

 Hindi ang ibig kong sabihin na ang ating kalayaan ay tuklasin sa talas ng sandata; ang espada ay di lubhang kagamitan sa mga bagong kabuhayan, nguni’t oo, ating tuklasin sa pamamagitan ng karapatan, sa pamamagitan ng pagpapataas ng uri ng katwiran at ng karangalan ng tao, sa ibigin ang tapat, ang mabuti, ang dakila, hanggang sa mamatay nang dahil dito, at pag ang isang bayan ay nakasapit na sa gayong kalagayan, ang Diyos ay nagbibigay ng sandata, lumalagpak ang mga diyus-diyusan, lumalagpak ang mga maniniil na wari’y mga kastilyong baraha at kumikinang ang kalayaan na kasabay ng unang liwayway! (El Filibusterismo)

Patuloy na magiging makabuluhan ang mga kaisipan ni Rizal ukol sa kapangyarihang bayan dahil marami pang hamong kinakaharap ang mga Pilipino. Samantala, ang artikulong “Teyktu” ni Conrado de Quiros mula sa pahayagang Philippine Daily Inquirer ay isang pagbalik tanaw sa EDSA 1 at ang kahalagahan nito sa mga hamong kinakaharap ng Pilipino sa kasalukuyan. Patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa pagpapabuti ng bansa. Kaya naman para kay Quiros kinakailangang matuto ang mga Pilipino sa mga nagdaang EDSA, nasabi nya na (de Quiros 2010):

Ano nga ba ang ibig sabihin ng “Hindi ka nag-iisa?”

Simple lang. Hindi ka nag-iisa dahil, kagaya mo, handa rin kaming magsakripisyo para sa bayan. Kagaya mo, handa rin kaming kumilos para sa bayan. Kagaya mo, handa rin kaming mamatay para sa bayan.
Mga katagang sinabi, o pinahiwatig, natin noon hindi lang kay Ninoy kundi sa lahat ng nagbuwis ng buhay sa panahon ng kadiliman—marami sa kanila ay nasa Wall of Remembrance ng Bantayog ng mga Bayani ngayon. ’Yan din ang isa pang kahulugan ng “Hindi ka nag-iisa.” Hindi lang si Ninoy ang nagbuwis ng buhay para sa bayan noong panahong ’yon, marami pa.

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.